LEGAZPI CITY – Ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang 36 na naitalang volcanic earthquakes at isang rockfall event sa nakalipas na 24-hour observation period sa Bulkang Mayon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Director Usec. Renato Solidum, sinabi nito na consistent umano ang low-frequency quakes sa namamataang pamumula sa crater ng bulkan kung gabi, na indikasyon ng mainit na gas na lumalabas.
Mula pa noong nakaraang linggo nang maobserbahan ang pagtaas ng bilang ng naitatalang pagyanig sa bulkan subalit kung minsan ay wala ring naitatalang lindol.
Ayon pa kay Solidum na nasukat din ang pamamaga sa gitnang bahagi ng bulkan habang may pressure na binabantayan sa monitoring station sa Mayon resthouse.
Maliban sa mga nabanggit, ikinokonsidera rin ang iba pang parametro kagaya na lamang ng sulfur dioxide emission, pamamaga ng slopes at ilan pang aktibidad.
Paalala pa ni Solidum na posible rin ang maliliit na steam-driven explosion at rockfall events dahil nasa Alert Level 1 status o abnormal na kondisyon ang bulkan kaya’t tumupad sa rekomendasyon na walang papasok sa Permanent Danger Zone.