Naitala ngayon ng Department of Health (DOH) ang ikatlo sa pinakamababang bilang ng mga bagong dinapuan ng COVID-19 ngayong taong 2021 matapos na makapagtala ng 360 na karagdagang kaso.
Sa kabuuan ang mga tinamaan ng virus sa Pilipinas mula noong nakaraang taon ay umakyat pa sa 2,836,803.
Ang mga aktibong kaso naman ay nasa 11,083 na lamang na siyang pinakamababa mula noong buwan ng Mayo ng nakalipas na taon.
Samantala, mayroon namang naitalang 519 na mga bagong gumaling.
Ang mga nakarekober sa virus sa bansa ay umaabot na sa 2,775,379.
Habang meron namang nadagdag na 61 mga pasyente na pumanaw.
Ang death toll sa bansa bunsod ng deadly virus ay nasa 50,341 na.
Habang mayroong limang laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS) ng DOH.
“Pinapaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask na may face shield, mag physical distancing, at maghugas ng kamay. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19,” bahagi ng DOH advisory.