-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Dumating na ang 37 mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Aklan na karamihan ay mga seafarers na na-stranded sa Maynila.

Dumaong sa pantalan ng Iloilo ang Malasakit Voyage sakay ang nasa 180 na mga OFW na pawang taga-Western Visayas bilang bahagi ng Balik-Probinsya project ng pamahalaan.

Kasama dito ang mga OFW na nakiusap na ma-repatriate dahil sa problema sa COVID-19 sa buong mundo.

Inaasahang 96 na iba pang Aklanon seafarers ang darating sa susunod na mga araw.

Na-stranded ang mga ito ng mahigit sa isang buwan dahil sa ipinapatupad na enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon kay Aklan governor Florencio Miraflores na kahit kompleto na sa 14-day quarantine at swab test sa Maynila ang mga ito ay muli silang isasailalim sa kaparehong proseso at sakaling mag-negatibo sa panibagong swab test ay papayagan na ang mga itong maka-uwi.

Ngunit, ipapatupad pa rin ang home quarantine upang maiwasan ang posibleng infection ng coronavirus disease 2019.

Sinundo ang mga ito sa Iloilo ng PDRRMO-Aklan at pulisya sakay ng dalawang bus at dinala sa isang hotel kung saan pansamantala silang mamamalagi.