KORONADAL CITY – Nagsasagawa na sa ngayon intensive surveillance, monitoring at contact tracing ng Sultan Kudarat Provincial Epidemiology Surveillance Unit at Tacurong City Epidemiology Surveillance Unit kaugnay sa pinakaunang kaso ng COVID-19 Delta variant na naitala sa Rehiyon Dose.
Ito ang kinumpirma ni Arjohn Gangoso, Health, Education and Promotion Officer ng DOH-12 sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon sa opisyal, nagpapatuloy na sa ngayon ang pagpapatupad ng nasabing hakbang para ma-contain at maiwasan ang pagkalat nito sa buong rehiyon matapos ma-detect ang naturang kaso base sa genomic surveillance na ginawa ng DOH.
Binigyang punto din nito na ang unang kaso na naitala ay isang 37-anyos na babaeng pasyente na asymptomatic ang nagpositibo sa Delta variant ngunit halos magdadalawang buwan nang nakalabas sa isolation facility at ikinonkonsiderang recovered o gumaling na.
Dagdag pa ni Gangoso, ang nasabing pasyente ang nakakumpleto na sa quarantine days nito at negatibo na rin sa re-swabbing.
Kaugnay nito, umaapela naman ang opisyal sa lahat ng mga taga Rehiyon Dose lalo na sa lungsod ng Tacurong at kalapit na mga lugar na huwag mag-panic at sa halip ay patuloy na tumalima sa health protocols na patuloy na ipinapatupad ng IATF.