CAUAYAN CITY- Pinulong ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang mga petitioners ng Anti-Terrorism Act of 2020 bilang paghahanda sa oral argument sa Nobyembre sa Korte Suprema.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa,pangulo ng IBP na nagmagandang loob silang pulungin ang 37 petitioners ng anti terror law noong sabado para hindi magulo kapag dumating na ang araw ng oral argument.
Pinag-usapan din nila ang magkaroon ng koordinasyon at magtalaga ng representative na siyang magsasalita para maging maayos ang isasagawang oral argument.
Nagpapasalamat naman sila dahil sa mahigit 100 ang dumalo sa kanilang zoom meeting at maganda ang kooperasyon at kanilang ipinagpasalamat ang ginawa ng IBP.
Sa kabila nito ay hindi pa rin nila maaring diktahan ang sinuman sa kanila kaya ipinauubaya na lamang nila sa mga petitioners at sa kanilang mga abogado.
Samantala, habang naghihintay ng oral argument ay naghain ng motion at manifestation ang ibang grupo at halos lahat din ng mga petitioners ay humingi ng Temporary Restraining Order o TRO sa korte suprema para ipahinto muna ang pagpapatupad sa anti terror law dahil sa mga malabong probisyon ng batas.
Inihalimbawa nito ang mga red tagging sa mga showbiz personalities na malinaw na maling paggamit sa batas.
Sa ngayon ay umaasa ang IBP na madesisyunan sa lalong madaling panahon ang mga petition para walang madamay na mga inosenteng mamamayan.