DAVAO CITY – Nakapagpalabas umano ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Davao region ng kabuuang 370 na mga bilanggo na kwalipikado sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na walang malaking kontrobersiya.
Ayon kay BJMP chief Jail Director Allan Iral na sakop sa nasabing bilang ang 11 mga siyudad, munisipalidad at district jails sa ilalim ng BJMP Davao Region noong taong 2018.
Sa gitna umano ng kontrobersiya patungkol sa pagbibigay ng GCTA, sinabi ng BJMP na hindi nila palalabasin ang persons deprived with liberty (PDLs) kung wala itong matatanggap na court order.
Inihayag din ng BJMP na ibibigay lamang nila ang GCTA sa mga minor offenses gaya na lamang ng theft, acts of lasciviousness, unjust vexation, alarm and scandal, at iba pang mga petty crimes.
Malinis din umano ang kanilang opisina sa sinasabing “GCTA for sale” issue.
Umaasa na lamang ang opisyal na sa pamamagitan ng bagong in-charge ng BuCor na si Deputy Director General Melvin Ramon Buenafe, mareresolba na ang isyu na may kaugnayan sa GCTA.
Samantala sinabi naman ng Police Regional Office (PRO-11) na nakahanda na ang kanilang tracker team sa paghahanap sa mga suspek na nahaharap sa heinous crimes hanggang sa matapos ang 15 araw na palugit na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang mga ito.