Lomobo pa sa 375 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Odette sa Pilipinas kung saan 56 pa ang missing.
Ang naturang impormasyon ay nagmula sa Philippine National Police (PNP).
Nagpaliwanag pa ang PNP na ang kanilang mga impormasyon ay nagmula mismo sa mga regional offices nila.
Karamihan umano sa mga nasawi ay sa Caraga region na umaabot sa 167 at sa Central Visayas na nasa 170, habang merong 24 naman sa Western Visayas, anim ang nanggaling sa Eastern Visayas, isa sa Western Mindanao at pito ang binawian ng buhay sa Northern Mindanao.
Sa mga missing naman ang 47 ay nagmula sa Central Visayas, walo sa Caraga, at isa pa sa Eastern Visayas.
Samantala meron namang 500 ang sugatan na ang pinakamarami ay umaabot sa 364 sa Central Visayas, 118 sa Caraga, 15 sa Eastern Visayas at tatlo ang sugatan sa Northern Mindanao.
Ang naturang bilang ng PNP sa mga fatalities ay malayo sa kumpirmasyon na 58 mula naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRM).
Giit ng NDRRMC ang mga lumabas na datos ay maaring projection lamang dahil ibang sistema ang ginagawa nilang proseso sa pagkumpirma.