-- Advertisements --

Sa ika-apat na pagkakataon, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng panibagong kaso ng Omicron variant ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa Pilipinas.

Ayon kay DOH Unsersecretary Maria Rosario Vergeire, nakita ang pinakabagong kaso ng Omicron variant sa isang 38-anyos na babae mula sa Estados Unidos na dumating sa Ninoy Aquino International Airport nitong December 10 lulan ng Philippine Airlines PR 127.

Nakaranas aniya ang nasabing babae ng sipon at pangangati ng lalamunan noong December 13.

Nakuhanan ito ng specimen noong December 14 at agad na dinala sa isang isolation facility nang magpositibo ang resulta nito noong December 15.

Na-discharge ito noong December 24 o ang bisperas ng Pasko matapos sumailalim sa quarantine sa loob ng 10 araw.

Sa ngayon ay natukoy na asymptomatic o walang sintomas ang babae at kasalukuyang naka-isolate sa kanilang tahanan.

Gayunman, nakatakda siyang sumailalim ito sa COVID re-testing bukas.

Kung maaalala, unang nakapagtala ang DOH ng tatlo pang kaso ng Omicron variant sa bansa mula sa dalawang balikbayan mula sa Qatar at Japan at isang Nigerian national.

Samantala, binigyang-diin ni Usec. Vergeire na nananatiling mababa ang case classification at nasa “minimal risk” ang buong bansa.

Ngunit sa kabila nito ay nakitaan ng bahagyang pagtaas ng mga kaso at positivity rate ang National Capital Region at 14 sa 17 pang mga lugar dito nitong nakaraang linggo.

Ang mga naitatalang kaso naman ng Omicron variant sa bansa ay kabilang pa rin sa mga international arrivals na sadyang hindi maiiwasan.

Iginiit ni Vergeire na maaaring mabawasan pa ang local impact ng Omicron variant sa pamamagitan ng mabilis na bakunahan lalo na sa mga indibidwal na kabilang sa A2 at A3 priority sector.

Makakatulong aniya ito upang mabawasan ang pagkalat ng nasabing virus sa Pilipinas.

Sa pamamagitan din ng immediate case detection, isolation, at contact tracing, ay maaaring mabawasan ang bilang ng pagkalat nito sa bansa.