Naitala ng Philippine Coast Guard ang 38 Chinese vessels sa paligid ng Ayungin Shoal sa pinakahuling resupply mission nito sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson on the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang kabuuang bilang ng mga sasakyang pandagat ng China na kanilang na-detect sa isinagawang supply operation ay 16 na maritime militia vessels na physically monitored, 12 Chinese militia vessels, limang China Coast Guard vessels, at limang People’s Liberation Army [vessels].
Sinabi pa ni Tarriela na hindi lahat ng 38 Chinese vessels ay sangkot sa blocking operations laban sa PCG vessels.
Base sa presentasyon na kanilang ibinigay, mayroon lamang aniyang anim na Chinese Maritime Militia Vessels ang aktibong lumahok sa blocking operation at limang CCG vessels.
Ito aniya ang pinakamataas na bilang ng mga sasakyang pandagat ng China na nakita sa loob ng Ayungin Shoal, na nasa loob ng 200-kilometer exclusive economic zone ng Pilipinas batay sa 2016 Arbitral Award at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Gayunpaman, matagumpay na nakapasok ang PCG sa Ayungin Shoal noong Biyernes matapos iwasan ang ilang barko ng China Coast Guard at Chinese militia vessels.
Nagbigay-daan ito sa kanila na makalapit sa BRP Sierra Madre at makita ang pinakabagong estado ng grounded active naval post.
Ang PCG ay nag-escort ng dalawang bangka sa isang resupply mission sa BRP Sierra Madre, isang barko ng World War II na naka-ground sa shoal mula noong 1999 na tumatayo bilang simbolo ng pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea.