-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nananatili pa rin sa tahanan ng kanilang mga kaibigan at kaanak ang 38 na mga pamilya na lumikas matapos sumiklab ang 30-minuto na palitan ng putok nang salakayin ng mga rebeldeng New People’s Army ang CAFGU detachment sa Maguyepyep, Sallapadan, Abra noong August 15.

Ayon sa Abra Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, ang 38 na pamilya ay binubuo ng 168 na indibidual kung saan kabuuang 247 na pamilya o 920 na mga indibidual ang nananatiling apektado sa armed conflict sa nasabing lugar.

Patuloy namang binabantayan ng Department of Social Welfare and Development ang mga pamilyang lumikas para sa pagbibigay ng agarang tulong na kinakailangan ng mga ito.

Maaalalang dalawang militiamen ang nasawi sa engkwentro.

Itinuturo naman ng mga residente doon ang kinilala sa pangalang Mando Eduarte alias Commander Trio bilang lider ng mga sumalakay na rebelde ngunit mahigpit itong pinabulaanan ng nagpakilalang spokesperson ng Agustin Begnalen Command ng mga rebelde sa Abra.

Naniniwala din ang mga residente sa Sallapadan, Abra na ang ginawang pagsalakay ng mga rebelde ay para matakot at kabahan sila matapos nilang suportahan ang resolusyon ng lokal na pamahalaan na nagdeklara sa mga rebelde bilang ‘persona non grata’ sa kanilang bayan.