-- Advertisements --
KLM ASIA 38K doses NTF
IMAGE | National Task Force against COVID-19 handout

MANILA – Dumating na sa Pilipinas ang 38,400 doses ng COVID-19 vaccine na gawa ng British-Swedish company na AstraZeneca nitong Linggo.

Alas-6:44 nitong gabi nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang KLM commercial flight na may dala sa ikalawang batch ng bakuna mula inisyatibo ng World Health Organization (WHO).

Ang 38,400 doses ang kukumpleto sa 525,600 doses na unang alokasyon ng COVAX facility para sa Pilipinas.

Kung maaalala, noong Huwebes, March 4, nang unang dumating ang 478,200 doses ng AstraZeneca vaccines.

“Itong pinangako sa ating first tranche na 525,600, itong (38,400) yung naiwan kasi commercial flight ito. Yun lang ang magkakasya sa cargo bay (487,200),” ani Vaccine czar Carlito Galvez.

“Ito yung kakulangan (38,400),” dagdag ng opisyal.

Una nang sinabi ni Galvez na hindi na sasalubungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdating ng ikalawang batch ng mga bakuna. Makakasama na lang niya si National Task Force against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon.

Una nang sinabi ng WHO na 4.5-million doses ng British-Swedish vaccine ang inaasahang makakarating sa bansa hanggang sa buwan ng Mayo.