-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Pinasabog ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 39 na iba’t ibang uri ng improvised explosive device (IEDs)

Ayon kay Major Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa Gamu, Isabela, ang mga nasabing IEDs ay bitbit ng mga rebelde na sumuko sa militar ngayong buwan ng Enero 2020

Sinabi ni Tayaban na hindi maaring i-recycle o itago ang mga nasabing IEDs dahil ito ay delikado dahil anumang oras ay maari itong sumabog.

Dahil dito, sinabi ni Tayaban na minabuti na ng kanilang hanay na pasabugin ang mga nasabing IEDs para hindi maging sanhi ng anumang aksidente sa loob ng kampo.

Nabatid na noong 2019 ay una na ring pinasabog ng kasundaluhan ang 36 na IEDs na isinuko rin ng mga rebeldeng NPA.

Kaugnay nito, sinabi ni Tayaban na asahan pa sa mga susunod na araw ang muli nilang pagpapasabog sa mga IEDs mula sa mga susukong NPA.