Kumpiyansa ang Philippine Statistics Authority (PSA) na dadami pa ang mahihikayat na lumahok sa nagpapatuloy na pre-registration ng National ID.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay ASec. Rosalinda Bautista, deputy national statistician, umabot na sa mahigit 39,000 na mga “poorest of the poor” households ang pre-registered para sa national ID system.
Ayon kay Bautista, ang nasabing bilang ay batay sa datos na nakuha ng kanilang mga enumerators na nagbahay-bahay sa 32 lalawigan sa bansa.
Kinukuha ng enumerators ang demographic information ng mga households, at tinatanong kung may bank account ang mga ito.
Kaugnay niyan, sa 39,000 pre-registered households, 70% ang walang mga bank accounts.
Paliwanag ni Bautista, nais ng national ID system na matulungan ang marami pang mga Pilipino na makapagbukas ng bank account para mas maging inclusive ang pamamahagi ng tulong pinansyal.
“Para sa gobyerno, makakatulong [ang national ID] sa governance at sa pagbibigay ng ayuda kasi ang gusto natin ay mas simplehan ang mga proseso ng gobyerno at maiiwasan ang nagdodoble-doble at pagdududa sa mga nabibigyan ng ayuda,” wika ni Bautista.
Una nang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na target nila na magkaroon ng 5-milyong registrants sa National ID bago matapos ang kasalukuyang taon.