MANILA – Target ng gobyerno na makapag-enroll ng 3,000 indibidwal para sa ilulunsad na pag-aaral sa “mix and match” o pagbibigay ng magkaibang COVID-19 vaccines.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), manggagaling sa A1 hanggang A4 priority group ang participants ng clinical trial.
“Kukuha ng 3,000 na kalahok para sa pag-aaral na ito, mula sa walong proposed study sites sa buong bansa. Maaaring sumali ang mga kasama sa A1 hanggang A4 vaccination priority groups alinsunod sa DOH rollout at COVAX facility guidelines,” ani Science Usec. Rowena Guevara.
“The VEP would also like to enroll those 70 years old and above.”
Hahatiin sa 12 “study arm” o sub-group ng mga participants ang clinical trial.
Ang unang pangkat ang magsisilbing “control group” kung saan aaralin ang bakuna mula sa isang platform.
Ikalawa ay ang grupo ng mga participants na bibigyan ng magkaibang vaccine brand sa una at ikalawang dose.
At ikatlo ang grupo ay bibigyan ng ibang vaccine brand bilang “booster shot” o ikatlong dose.
“Dito gagawin natin na Sinovac-Sinovac yung first at second dose tapos magkakaroon ka ng third dose na either AstraZeneca, Sputnik V adeno-5, Sputnik adeno-26, Pfizer, at Moderna.”
“Tapos malalaman natin from this mix and match kung saan tumataas ang immune response ng ating mga kababayan.”
Pitong brand ng COVID-19 vaccines na ang may emergency use authorization sa Pilipinas, pero lima lang sa mga ito ang gagamitin sa clinical trial.
Kabilang na ang Sinovac, AstraZeneca, Gamaleya (Sputnik V), Pfizer-BioNTech, at Moderna.
“Ang panhunahing layunin ng pag-aaral ay tiyakin ang kaligtasan at immunogenicity ng
pagkumpleto sa vaccination series gamit angmga available na COVID-19 vaccines sa ating
bansa, para sa mga nabigyan na ng Sinovac bilang first dose.”
Planong simulan ng DOST ang pag-aaral sa susunod na buwan. Sa ngayon inaasikaso pa ng kagawaran ang aplikasyon sa Food and Drug Administration at Ethics Board para mapayagan silang mag-aral sa mga bakuna.
Si Dr. Michelle De Vera ng Philippine Society for Allergy, Asthma, and Immunology (PSAAI) ang mangunguna sa pag-aaral.
Ayon kay Guevara, hindi naman makakaapekto sa supply ng bakuna sa bansa ang clinical trial dahil striktong healthcare workers, senior citizens, may comorbidity, at mga manggagawa lang ang kasali.
“Yung gagawan naman natin ng study, sila yung priority sa ating vaccination program. So hindi mababawasan yung ating supply kasi sila naman talaga ay kasama sa babakunahan.”