Nasa Pilipinas na ang ikatlong batch ng mga Pinoy na inilikas mula sa Tripoli, Libya dahil sa patuloy na nagaganap na kaguluhan doon.
Iniulat ni DFA Undersecretary Elmer Cato na umabot sa walong mga OFW ang dumating kagabi sa Ninoy Aquino International Airport.
Isa sa dumating ay si Amado Pangilinan na swerteng nakaligtas nang tumama umano ang isang mortar at sumabog malapit sa kanya.
Kung nagkataon ay matindi sana ang naging tama ni Pangilinan mula sa mga shrapnel pero buti na lamang iniligtas siya ng pintuan ng kanilang quarters at ang kanyang backpack.
Ang tanging sugat lamang niya ay sa bahagi ng kanang paa na hinlalaki.
Mula nang sumiklab ang civil war sa Libya ay nasa 19 pa lamang na mga Pinoy ang pumayag sa repatriation kaya naman puspusan ang pagkumbinsi sa kanila ng DFA at ang Department of Labor (DOLE) na umuwi na muna ng Pilipinas.
Sa ngayon umiiral ang deployment ban sa mga Pinoy workers patungo ng Libya.