-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hinihiling ng legendary MMA stable Team Lakay ang patuloy na pagsuporta ng publiko sa mga Igorot warriors na sasabak sa BRAVE 22: Storm of Warriors na gaganapin sa March 15 sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Magsisilbing main event ang ikatlong pagdepensa ni reigning Brave Bantamweight World Champion Stephen “The Sniper” Loman sa kanyang titulo laban kay submission specialist Elias Boudegzdame ng France.

Hawak ni Loman ang record na 12 wins, 2 losses habang si Boudegzdame ay may record na 15 wins, 5 losses.

Maaalalang si Loman ang pinakabata at kauna-unahang kampeon sa Bahrain-based MMA promotion na Brave Combat Federation na dalawang beses na nakapagdepensa ng titulo.

Tampok din ang laban ng apat pang mga kasamahan ni Loman sa Team Lakay sa kauna-unahang fight card dito sa Pilipinas ng Brave CF.

Susubukan ni Jeremy Pacatiw (5-3) na itala ang kanyang ikatlong sunod na panalo sa paghaharap nila ng Pinoy fighter na si Marc Alcoba (5-1) na nasa four-fight winning streak.

Magde-debut din si Harold Banario (4-1) sa Brave CF sa kanilang paghaharap sa cage ni Gamzat Magomedov (3-1) ng Russia.

Puntirya naman ni John Cris Corton na sundan ang kanyang panalo sa kanilang paghaharap ni Abdul Hussein ng Finland habang susubukan ni Jomar Pa-ac na makabalik sa winning circle sa kanilang paghaharap ni Sataya Behuria ng India.

Samantala, lalaban din ang dalawang Pinoy fighters sa nasabing fight card kung saan makakaharap ni dating UFC fighter Rolando Dy si Mehmosh Raza habang maghaharap naman sina Rex de Lara at Jayson Margallo sa flyweight division.