Mas tumitibay ang focus ng advocacy ni Vickie Rushton bagama’t hindi pa ito nakakasungkit ng korona sa Binibining Pilipinas.
Ito’y kasunod ng insidente sa isang resort sa Cebu kung saan naging usap-usapan ang umano’y diskriminasyon sa isang bata na mayroong special needs matapos sinaway ng mga life guard dahil daw sa pag-iingay.
Ibinunyag ito mismo ng ina ng bata sa pamamagitan ng online review kung saan iginiit nito na kakaiba man ang nilikhang ingay ng kanyang anim na taong gulang na anak na mayroong autism, ay simbolo lamang ito na enjoy at masaya sa sitwasyon.
Para sa aspiring “binibini” candidate mula Negros Occidental, siya ang magiging boses ng mga bata na hindi maipahiwatig ng maayos ang anumang nararamdaman, lalo’t mayroon siyang kapatid na dumaranas ng physical and mental disorder na Down Syndrome.
Katunayan aniya ay minsan na siyang na-bully, patunay na may mga tao talaga na malupit sa mga taong may kapansanan.
Hangad ng girlfriend ng aktor na si Jason Abalos, na maging sensitibo ang mga taong normal pagdating sa pakikitungo sa mga taong may special needs.
Sa ngayon ay sinimulan na ng Commission on Human Rights ang imbestigasyon sa insidente sa kabila ng pag-sorry ng resident stakeholder ng resort.
“Apologies are important. Action, more so. This said event is an opportunity for disability sensitivity training and a review of the resort’s policies and procedures for compliance with Magna Carta for Persons with Disability,” saad ng Autism Society of the Philippines.
Si Rushton naman ay target ang Binibining Pilipinas International crown sa pangatlong beses niyang pagsali, bitbit ang adbokasiya na pagsilbihan ang person with disabilities partikular yaong may mga down syndrome.
Taong 2018 nang unang beses siyang sumabak sa nabanggit na pageant kung saan siya ay first runner-up, habang nagtapos sa Top 15 noong nakaraang taon.
Kung maaalala, inspirasyon niya si Pia Wurtzbach na tatlong beses din sumali bago nakamit ang childhood dream.
Taong 2013 nang maging first runner-up sa batch ng nanalong si “Ara” Arida, Top 15 finish naman noong 2014 sa batch ni “MJ’ Lastimosa, at 2015 noong tanghaling kinatawan ng bansa sa Miss Universe.
Matatandaang nagtagumpay din si Wurtzbach na maibigay sa Pilipinas ang pangatlong Miss Universe crown.