-- Advertisements --

taguig4

Binuksan na ng pamahalaang lokal ng Taguig ang ikatlong vaccination sites kahapon Huwebes, Maundy Thursday.

Layon nito na ang vaccination ay maging accessible at ligtas para sa mga residente ng siyudad.

Siniguro rin ng Taguig local government na bukas ang kanilang vaccination hubs ngayong Semana Santa.

Ang ikatlong vaccination site na binuksan ng pamahalaang lokal ng Taguig ay ang kauna-unahang community vaccination center na matatagpuan sa RP Cruz Elementary School sa Brgy. New Lower Bicutan.

Magiging katuwang na nito ang dalawang Mega Vaccination Hubs na matatagpuan sa Lakeshore area Brgy. Lower Bicutan at sa Vista Mall Parking Building sa Brgy. Calzada.

Sa datos na inilabas ng siyudad, nasa 1,000 senior citizens at mga individuals with comorbidities ang binakunahan sa tatlong vaccine sites sa siyudad nitong nakalipas na Holy Thursday.

Nasa 260 indibidwal naman ang nabakunahan sa RP Cruz Community Vaccine Center.

Mananatiling bukas naman ang dalawang Mega Vaccination Hubs, at patuloy na mag-o-operate sa Black Saturday para mapabilis ang vaccination rollout ng siyudad.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, nagbabalak pa ang pamahalaang lokal na magbukas pa ng vaccination centers kasama na rito ang daang mga trained vaccination teams.

Siniguro rin ng alkalde na ang lahat ng mga vaccination sites ay accessible, convenient at ligtas para sa mga residente.

“Our target here is not only speed but safety, efficiency and accessibility. Our mega vaccine hubs and our community vaccine centers will help us hit our objectives. This will open the opportunity for more citizens to get vaccinated,” pahayag pa ni Mayor Cayetano.

Tinatapos na rin ng local government ang vaccination program para sa kanilang mga healthcare workers at sinimulan na ang pagbabakuna sa mga senior citizens, kasama na ang mga individuals with comorbidities.

Siniguro naman ni Cayetano sa mga residente ng Taguig na ang bakuna para sa COVID-19 ay magiging available sa lahat ng mga residente ng siyudad.

Natanggap na rin ng siyudad ang alokasyon na mga vaccine mula sa national government ang AstraZeneca at Sinovac vaccines.

Naghahanda na rin ito para sa gagawing pagbili ng mga bakuna kabilang ang Novavax, IP Biotech, AstraZeneca, at Moderna.

Samantala, bukod sa pagtutok sa vaccination program para sa mga residente ng Taguig, namahagi na rin ang siyudad ng family food packs at hygiene kits sa unang araw ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.

Ang mga ipinamahaging Taguig City’s stay-at-home food packs ay kaysa sa loob ng tatlong araw na ang isang pamilya na may limang miyembro.

Ang family food packs ay binubuo ng rice, canned goods, coffee, at energy drink, habang ang hygiene kits ay mayruong face masks, face shields, alcohol, at sabon.