Ikinatuwa ng maraming illegal immigrants sa Estados Unidos ang tuluyang pagpasa ng Democrat-controlled House of Representatives sa $4.5bn o halos 300 billion pesos na emergency border aid bill.
Nakakuha ng 230-195 votes ang nasabing panukalang batas dahil na rin sa hindi magandang pagtrato sa mga menor de edad na kasalukuyang nasa detention centers.
Kasunod din nito ang mas lumalalim at lumalaking dibisyon sa pagitan ng Democrats at Republicans hinggil sa kung paano isasaayos ang U.S immigration system.
Hanggang sa mga oras na ito ay hinihintay pa ng mga kongresista ang susunod na gagawin ni US President Donald Trump sa pagkakapasa ng naturang panukala lalo na raw kapag hindi nailaan sa tamang pamamaraan ang pera na dapat ay tulong sa mga illegal immigrants.
Layunin ng emergency funding bill na ito ang makapagbigay ng pansamantalang matutuluyan, kumot, pagkain at legal assistance para sa mga illegal migrants na pumapasok sa US na nagmumula sa US-Mexico border.
Ilang oras bago rin ipasa ang panukalang batas ay nagbitiw sa pwesto si John Sanders, ang acting head of the US Customs and Border protection agency kung saan ipinadala niya sa pamamagitan ng email ang kaniyang resignation letter.
Ikinagalit naman ng mga Democrats at Republicans sa Kongreso ang impormasyon na kanilang nakalap kung saan ikinukulong umano ng US Border Patrol sa isang detention center sa Clint, Texas ang kanilang halos 350 kabataan na wala man lang sapat na suplay ng mga bagay na kanilang pangangailangan.