Patay ang tatlong mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), habag limang sundalo ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na bakbakan sa Sulu nitong Sabado.
Ayon kay Lt. Col. Gerald Monfort, commander ng 21st Infantry Battalion ng Philippine Army, nangyari raw ang mga sagupaan sa Sitio Tubig Paliya, Barangay Danag sa bayan ng Patikul.
Kuwento ni Monfort, naglalagay daw ng blockade ang kanyang tropa nang makaengkwentro nila ang nasa 20 armadong bandido na nasa ilalim ni sub-group leader Ellam Nasirin.
Makaraan ang ilang minuto ay tumakas sa encounter site ang bandidong grupo.
Matapos nito, nakasagupa naman nila ang isa pang grupo ng sundalo mula sa parehong infantry battalion.
Tumagal ng isang oras ang ikalawang engkwentro kung saan tatlong bandido ang patay, ngunit isang bangkay lamang ang narekober sa site.
Sa pahayag ng Western Mindanao Command, limang sundalo ang bahagyang nasugatan sa kasagsagan ng bakbakan.
Dinala na ang mga ito sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo para gamutin.