CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ng militar ang apat (4) na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf sa panibagong sagupaan na naganap sa Sitio Gipitan, Barangay Bohe Pahu, Ungkaya Pukan, Basilan Province madaling araw ng Miyerkules.
Ito ang kinumpirma ni Westmincom spokesperson LTC Gerry Besana sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo.
Ayon kay Besana, na-engkwentro ng pinagsanib na pwersa ng 3rd Scout Ranger Battalion, 64th Infantry Battalion, 18th Infantry Battalion at 12th Division Reconnaissance Company sa pangunguna ni Joint Task Force Basilan Brigadier General Fernando Reyeg ang grupo ni Abu Sayyaf Group sub-leader Furuji Indama.
Matapos ang mainit na bakbakan, narekober ng militar ang apat na bangkay ng mga bandido kasama ang mga matataas na kalibre na armas na kinabibilangan ng isang M14, isang M16 at R4 assault rifle.
Narekober rin mula sa firing line ang isang M16 handguard; IED components; six (6) magazines ng M14; sixteen (16) rounds 7.62mm link; seventeen (17) rounds 7.62mm ball; one (1) Samsung cellphone; at mga food supplies.
Sinabi ni Besana na posibleng marami pang casualties sa Abu Sayyaf dahil sa mga marka ng dugo na nakita sa pinangyarihan ng sagupaan.
Ngunit sinabi nito na walang namatay o nasugatan sa panig ng militar.
Sa ngayon nagpapatuloy ang intensified operation ng JTF Basilan laban sa mga bandido.