ILOILO CITY – Patay ang apat na taong gulang na batang babae habang kritikal naman ang kanyang mga magulang matapos nasagasaan ng jeep ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Brgy Bungca, Barotac Nuevo, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Rowena Hubero,hepe ng Barotac Nuevo Municipal Police Station, sinabi nito na nagmula sa bayan ng Anilao, Iloilo at papunta sana sa Barotac Nuevo ang motorsiklo na minamaneho ni Johnny Bernardo, kung saan sakay nito ang kanyang asawa na si Led Jane at apat na taong gulang nilang anak.
Ayon kay Hubero, inamin mismo ng driver ng jeep na nawalan siya ng preno kung kaya’t nabangga niya ang motorsiklo na sinasakyan ng magpamilya at inararo pa niya ito.
Sa ngayon patuloy pa na ginagamot sa ospital ang mag-asawa.
Nakakulong naman ngayon ang driver ng jeep at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injury.