-- Advertisements --

Sumuko sa militar ang apat na miyembro ng Abu Sayyaf sa probinsiya ng Sulu.
Personal na tinanggap ni JTF Sulu Commander MGen. William Gonzales sa kampo ng militar ang sumukong mga dating bandido.


Naniniwala si Gonzales dahil sa walang namumuno ngayon sa teroristang grupo kasunod ng pagpatay sa lider nila na si Hatib Hajan Sawadjaan wala ng direksiyon ang teroristang grupo.

Una rito, nasa 17 miyembro ng Abu Sayyaf ang sumuko nuong nakaraang buwan at nanumpa ang mga ito na magbabagong buhay.

Sinabi ni Gonzales ang apat na mga bandido ay sumuko sa magkakahiwalay na panahon sa mga tropa ng gobyerno.

Unang sumuko sa 100th Infantry Battalion sina Almudar Muhajiri at Titong Karnan, pawang mga tagasunod ni ASG Leader Radulan Sahiron.

Kanilang isinuko ang bitbit nilang M16A rifle at FN (Gew Kal 7.62).

Sumuko naman sa 6th Special Forces Battalion (6SFBn) sina Fahad Amsad Abdah at Lino Adian Muhalim at isinuko ang kanilang M1 Garand rifle.

Siniguro naman ni Gonzales na mabibigyan ng tulong pinansiyal at kabuhayan mula sa gobyerno ang mga bandidong sumuko sa pamahalaan.

Sa ngayon kanila ng pina finalized ni Sulu Governor Abdusakur Tan ang gagawing “deradicalization and rehabilitation” program para sa mga dating ASG members.

” We are planning for halfway house, livelihood programs and scholarships for the children of former ASG members. This is important so all can start anew and Sulu can continue towards peace and development,” wika ni MGen. Gonzales.