-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Apat na bayan na sa lalawigan ng Kalinga ang nagsuspendi ng tourism activities dahil pa rin sa banta ng coronavirus disease o COVID 2019.

Dahil dito, bawal muna ang mga turista at mga banyaga mula sa mga bansa na may kaso ng COVID 19.

Partikular na isinara ang mga tourist spot na matatagpuan sa bayan ng Lubuagan habang nauna nang nagsuspendi ang mga alkalde sa bayan ng Pasil, Tinglayan at Balbalan.

Ipinag-utos rin ang kanselasyon ng mga aktibidad o maramihang pagtitipon bilang precautionary measure para makaiwas sa naturang nakamamatay na virus.

Mananatili ang suspensyon sa tourism activities sa naturang mga bayan hangga’t walang inilalabas na bagong kautusan.

Kaugnay nito, nilinaw ng Provincial Tourism Office na nananatiling naka-lockdown ang Tinglayan na taliwas sa ipinakakalat sa social media na maaaring pumasyal sa Barangay Buscalan kung saan matatagpuan ang pinakamatandang tattoo artist sa buong mundo at mga magagandang tanawin.

Nanawagan ang tourism office sa publiko na isumbong sa kanila ang mga travel organizers o tour guide o sinoman na nagpapakalat ng pekeng balita.

Ang bayan ng Lubuagan naman ay madalas na binibisita dahil sa mayamang kultura at magagandang tourist attractions gaya ng mabilong weavers village, dangoy bead makers, tiwod fertility spring at ang awichon cultural village.

Itinuturing din itong makasaysayan dahil dito pansamantalang nag-opisina ang unang Pangulo ng Philippine Republic na si General Emilio Aguinaldo sa loob ng 73 araw mula o mula Marso 6 hanggang May 17, 1900.