CENTRAL MINDANAO – Apat pa na mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko sa tropa ng Ist Mechanized Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Cresencio Sanchez Jr sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang isang caliber .50 machine gun, isang R4A3 carbine na may kasamang M203 grenade launcher, isang caliber .30 M1 carbine, 7.62 mm sniper rifle, mga bala at mga magazine.
Iprenisenta ang apat na BIFF kay Ist Mechanized Brigade commander Col. Pedro Balisi at Shariff Aguak Mayor Marop Ampatuan.
Nakatanggap rin ng bigas at cash assistance ang apat na BIFF mula sa LGU Shariff Aguak.
Matatandaan na noong nakalipas na araw isang field commander ng BIFF at anim nitong kasamahan ang sumuko sa militar sa Brgy Kamasi, Ampatuan, Maguindanao.
Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy ang mga LGU Officials na tumulong sa negosasyon sa pagsuko sa mga rebelde katuwang ang militar at pulisya.
Hinikayat ni Gen Uy ang ibang BIFF at mga armed lawless group na sumuko na at magbagong buhay.