-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pagod na at gustong mamuhay ng mapayapa kaya sumuko ang apat na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ng Dawlah Islamiya terror group sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga rebelde na sina Ibrahim Odin, Diyah Musa, Pagras Daud at Yasser Abunawas na kumikilos sa hangganan ng Maguindanao at North Cotabato.

Ang apat na BIFF ay sumuko sa tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army ng 602nd Brigade.

Isinuko ng mga terorista sa militar ang mga matataas na uri ng armas, mga bala, mga improvised explosive fevice (IED) at mga sangkap sa paggawa ng bomba.

Ang apat ay inatasan umano ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng BIFF-ISIS inspired group na maglunsad nang pambobomba sa mga pampublikong lugar upang ipaghiganti ang pagkamatay ng 16 na mga miyembro ng Dawlah Islamiya na napatay sa mga opensiba ng Joint Task Force Central ng 6th Infantry (Kampilan) Division sa Shariff Saidona Mustapha, Mamasapano, Shariff Aguak at Datu Saudi, Maguindanao mula sa kalagitnaan ng Nobyembre hanggang unang bahagi ng Disyembre.

Pinuri naman ni 6th ID Chief Major General Diosdado Carreon ang 34th IB, mga opisyal ng barangay at LGU-Midsayap na tumulong sa pagsuko ng apat na BIFF.