CENTRAL MINDANAO-Apat na mga terorista ang nasawi at dalawa ang nasugatan sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy na pinasok ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) ang komunidad ng mga sibilyan sa Sitio Gadong Barangay Pagatin 1 Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.
Agad na nagresponde ang tropa ng 6th Infantry Battalion Philippine Army at 23rd Mechanized Company kung saan nakasagupa nito ang mga rebelde.
Agad na nagsilikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa gulo.
Tumagal ng tatlong oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Umatras ang BIFF na paputukan sila ng mga sundalo gamit ang 105 mm Howitzers Cannon.
Walang nasugatan sa panig ng mga sundalo habang apat ang nasawi sa BIFF.
Narekober ng mga sundalo ang sampung mga Improvised Hand Thrown Grenade at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
Sinunog rin ng BIFF ang isang bahay sa kasagsagan ng engkwentro.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang BIFF sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.