CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa apat ang nasawi at pito ang nasugatan sa mga terorista sa inilunsad na artillery bombardment sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga nasawi na sina Salem Ansao, Mudin Ramla, alyas Saib at alyas Tato, habang pito naman ang nasugatan na mga tauhan ni Shiek Ismail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group).
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, namataan ng mga sundalo ang grupo ni Toraife sa hangganan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao at North Cotabato.
Binomba ng Joint Task Force Central ang BIFF gamit ang 105mm howitzers cannon.
Lumikas din ang ilang mga sibilyan sa takot na maipit sa gulo.
Agad namang umatras ang grupo ni Toraife papasok ng Liguasan Delta at SPMS box.
Sinabi ni 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman Lt. Col. John Paul Baldomar na nagbabalak umanong maglunsad nang pananalakay ang BIFF kaya nang mamataan sila ay agad binomba ng JTFC.
“Our pacification effort is a preemptive security campaign. The 6th ID is bent on preventing them from moving around,” ani Baldomar.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang BIFF na banta sa seguridad ng mga sibilyan sa Maguindanao.