-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sumuko sa militar ang apat na mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga rebelde na sina alyas Ustadz, Magdusa, Kano at Abu Zubair, mga tauhan ni Kumander Kagui Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).

Sumuko ang apat na BIFF sa tropa ng 92nd Infantry Battalion Philippine Army sa Datu Hoffer, Ampatuan, Maguindanao.

Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang dalawang .30 caliber M1 garand rifles, isang M16 assault rifle, isang 5.56 caliber Ultimax light machinegun, mga bala at magasin.

Pormal namang tinanggap ni Ist Brigade Combat Team commander B/Gen Ignatius Patrimonia ang mga rebelde.

Tumanggap ng bigas, cash at livelihood assistance ang apat na BIFF mula sa LGU-Datu Hoffer Ampatuan.

Nanawagan si 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen Juvymax Uy sa ibang BIFF na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.