Inirekomenda ngayon ng Department of Justice (DoJ) na sampahan ng patong-patong na kaso ang dalawang Bureau of Customs (BoC) examiners at dalawang appraisers dahil sa illegal importation ng hazardous solid waste mula sa Canada noong 2013 at 2014.
Sa resolusyon ng DoJ panel of prosecutors, sinabi nitong mayroong probable cause para sampahan ng kaso sina BoC examiners Benjamin Perez Jr. at Eufracio Ednaco, appraisers Matilda Bacongan at Jose Saromo dahil sa paglabag sa Republic Act No. 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous at Nuclear Waste Control Act of 1990.
Nakasaad sa resolusyon ng DoJ panel na nagsagawa ng preliminary investigation na dapat ay alam o kailangang alamin ng mga customs examiners na sina Perez at Ednaco ang nilalaman ng kargamento na pumapasok sa bansa kung ito ba ay hazardous materials at hindi plastic scrap materials.
Inabsuwelto naman ng panel sina Juan Miguel Cuna, undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at tatlong iba pang opisyal sa criminal charges sa kaparehong isyu o ang pag-import ng solid waste.
Absuwelto rin ang tatlong Environmental Management Bureau officials na sina Irvin Cadavona, Geri Geronimo SaƱez at Renato Cruz.
Ibinasura rin ng DoJ ang reklamo dahil sa paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga respondents dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Ang resolusyon ay nag-ugat sa reklamong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) Environmental Crime Division-Investigative Service.
Kaugnay pa rin ito ng 100 containers na puno ng municipal solid waste at plastic scrap na ipinadala sa Pilipinas mula Canada mula 2013 hanggang 2014 ng Canadian company na Chronic Plastics Inc.
Ang mga shipment ay ipinadala sa ilalim ng panunungkulan noon ni Pangulong Noynoy Aquino at ipinabalik naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang tone-toneladang basura sa Canada.