COTABATO CITY – Namahagi na ngayong araw ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ng insentibo sa mga day care workers sa lalawigan para sa buwan ng Abril, Mayo, Hunyo, at Hulyo taong kasalukuyan.
Para sa ikalawang distrito, abot sa P1,044,000 ang ipinamigay sa 261 volunteer teachers o DCWs mula sa mga bayan ng Arakan, Antipas, Magpet, Pres. Roxas, Makilala at Kidapawan City sa tulong ng mga kinatawan ng Provincial Treasurer’s Office (PTO) kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Ayon kay Rowena Lamboy, Magpet DCW Association president, malaki ang pasasalamat nito sa pamahalaang panlalawigan dahil makakatulong umano ang halagang natanggap upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga estudyante.
Masaya rin si Lamboy dahil sa pagtaas ng kanilang insentibo mula sa dating 700 bawat buwan na naging 1,000 na ngayon.
Kabuuang P4,000 halaga ng insentibo o katumbas ng apat na buwang honoraria ang tinanggap ng bawat DCW mula sa probinsya.
Bumisita rin sa nasabing aktibidad ang mga kinatawan ni Gov. Mendoza na sina ex-officio Board Members Provincial Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Arsenio Ampalid at Philippine Councillor’s League Provincial Federation President Rene Rubino, Sr., PGO-Focal Edgar Visabella at iba pang mga lokal na opisyal.
Ipinaabot ng gobernadora ang kanyang paghanga at pasasalamat sa mga DCWs dahil sa kanilang dedikasyon at boluntaryong pagtuturo sa mga day care children kahit pa man wala silang buwanang sahod.
Magkasunod na ginawa ang nasabing aktibidad sa Arakan Municipal Gym, Pres. Roxas Municipal Gym at Balindog Brgy. Hall covered court sa Kidapawan City.