-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – All-set na ang paghahanda para sa bonggang 40th birthday celebration ni Sen. Manny Pacquiao ngayong araw na idadaos sa isang mall sa lungsod.

Sabik na rin ang karamihan sa mga imbitadong bisita, makaraang ipinasilip sa social media ang ilan sa mga mapapanalunan sa pa-raffle ng fighting senator, kagaya ng apat na kotse, 40 motorsiklo, at 40 appliances, at iba pa.

Tiniyak naman ng Police Regional Office-12 ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa buong lungsod, kung saan handa na rin ang mga uniformed personnel na i-dedeploy sa loob at labas ng KCC Mall at Veranza, kung saan idadaos ang birthday party ni Pacquiao.

Kaya naman inaasahang magiging mas istrikto sa mga checkpoints sa entry at exit points ng lungsod, lalo pa’t inaasahan ang pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte, na kilalang malapit kay Pacquiao.

Maliban sa Pangulo, ilang bigtime personalities din ang inaasahang dadalo mula sa showbiz at pulitika.

Inaabangan din ang magiging performance ng Asia’s Got Talent Season 1 champion na El Gamma Penumbra, at ilang mga sikat na local bands kagaya ng Gifford, Kuerdas, J Brothers, Siakol, Shamrock, Cueshe, at Chocolate Factory.

Nabatid na kahapon, namigay din si Pacquiao ng 2,000 grocery bags sa mga residente ng Tinoto, Maasim, Sarangani, na bahagi pa rin ng kaniyang 40th birthday celebration, na taun-taon na nitong ginagawa tuwing kaarawan nito.

Kaninang madaling araw naman, daan-daang katao ang nag-abang sa mansyon ng fighting senator sa Brgy City Heights SA lungsod at hinarana si Pacquiao sa kaniyang kaarawan.