Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakaditine na sa kanilang warden facility ang apat na Chinese na una nang sinabi ni Sen. Ping Lacson na nakalaya na mula sa New Bilibid Prison (NBP) noong Hunyo.
Ayon kay BI Deputy Spokesman Melvin Mabulac, ang mga sinasabing Chinese ay sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che at Wu Hing Sum.
Una rito, ibinunyag ni Lacson na convicted Chinese drug lords ang apat na napalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) law.
Sinabi naman ni Mabulac na nilagdaan at inaprubahan na ng Board of Commissioners ang summary deportation laban sa mga banyaga.
Aniya, agad na ipapa-deport ng BI ang apat na Chinese sa oras na makumpleto ang mga kinakailangang dokumento gaya ng NBI.
Iginiit ng opisyal na ginagawa lang ng BI ang tungkuling mai-deport ang mga dayuhan na napagsilbihan na ang kanilang sintensya sa Pilipinas.