Ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na may apat na Chinese drug lords na dating nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) ang pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) kamakailan.
Base sa dokumentong hawak ni Lacson nakabalik na ng China ang apat na drug lords.
“Right now I have a copy of some releases, names of releases. At least 4 of those released last Aug 16 are Chinese drug lords. They were released to the custody of the BI for possible deportation. But these are convicted Chinese drug lords that have already been released as of Aug 16,” wika ni Lacson.
Dahil dito, nais alamin ng senador kung ano ang naging basehan ng BuCor sa ilalim ng pamumuno ni Dir. Nicanor Faeldon sa pagpapalaya sa apat na Chinese.
Kinilala ang mga ito na sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che at Wu Hing Sum.
Nais ring malaman ni Lacson sa public hearing kung may pananagutan ang pamunuan ng BuCor sa muntik nang pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na ngayon ay nawawala na aniya ang release order na hinahanap ng senador.
Bukod sa status ng convicted rapist na si Sanchez, bubusisiin din ng mambabatas ang Good Conduct Time Allowance ng 11,000 inmates ng NBP na nakatakdang lumaya.
Dagdag pa ni Lacson, kaniyang aalamin kung may kapalit na halaga ang pagpapalaya sa mga bilanggo o dumaan ba talaga sila sa tamang proseso.