-- Advertisements --

Dinakip ang apat na Chinese citizen matapos masabat sa kanila ang mahigit P300,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang hotel sa Malate, Maynila nitong Sabado.

Hawak na ng Ermita Police ang mga suspek, kabilang ang isang babae.

Batay sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyong dawit sa pagbebenta ng iligal na droga ang mga suspek kaya’t agad nagsagawa ang mga otoridad ng isang buy-bust operation.

Nagkunwaring buyer ang isang pulis at nang magkapalitan ng pera at kontrabando, agad hinuli ang mga banyaga.

Nasamsam sa mga suspek ang 45 gramo ng shabu na sinasabing may market value na P306,000.

Inihahanda na ng mga kinauukulan ang mga ihahaing kaso laban sa mga nadampot na Chinese.