CAUAYAN CITY – Inaresto ng Cauayan City Police Station (CCPO) ang apat na Chinese national matapos na magsagawa ng inspection ang mga miyembro ng Cauayan City Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bodega ng nagsarang rice mill sa malapit sa Broadcast Center sa Minante 2, Cauayan City.
Isinagawa ang inspection matapos na magsumbong ang mga residente sa barangay hinggil sa kahina-hinalang operasyon ng bodega na maging ang may-ari umano ng gusali ay hindi pinapapasok.
Ang mga umuupa sa bodega na Chinese national ay sina Wuliang Zhuang, Yuerong Shui, Wang Zai Zhou na pawang negosyante.
Natagpuan ng mga otoridad sa bodega ang maraming karton ng filter na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo at tinta ng pentel pen.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lt. Col. Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan Police station, sinabi niya na mahigit isang linggo nilang sinubaybayan ang mga Chinese national at ang aktibidad sa paligid ng bodega at ng makumpirma ang kanilang hinala ay isinagawa ang inspection katuwang ang PDEA.
Aniya bagamat negatibo sa iligal na droga ang bodega ay ilalagay muna nila sa kanilang kustodiya ang mga Chinese national dahil wala silang business permit para sa kanilang operasyon.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jun Carreon na 14 silang galing sa Surigao Del Sur at pinangakuan silang magtrabaho sa pagawaan ng plastic at dalawang linggo pa lamang sila.
Wala pa aniyang makinang gagamitin sa paggawa ng plastic at pinapa-connect pa ang kuryente kayat hindi pa sila nagsisimula ng trabaho.
Sinabi pa ni Carreon na pingangakuan sila ng P10,000 na sahod kada buwan at libre na kanilang pagkain at ilan pang mga kailangan tulad ng sabon, gamot at uniporme.
Nabigla sila nang dumating ang mga pulis na nagsagawa ng inspection sa bodega.
Sinabi niya na kapag illegal ang ipapatrabaho sa kanila ay uuwi na lamang sila.
Inihayag naman ng may-ari ng bodega na si Mr. Jong Uy na wala pang isang buwan ang dalawang Chinese na umupa sa kanyang bodega ng P50,000 kada buwan.
Balak ng dalawang Chinese na magtayo ng pagawaan ng plastic na kanyang tinutulan dahil maaaring magreklamo ang mga mamamayan sa epekto ng paggawa ng pastic.
Tiniyak aniya ng mga Chinese national na walang magiging problema at hindi magdudulot ng masama sa mga residente ang paggawa nila ng plastic at maaaring pagawaan ng ink ng ballpen o pentelpen ang kanilang gagawin.