TUGUEGARAO CITY – Sinampahan na ng kasong paglabag sa umiiral na Enhanced Community Quarantine ang 4 na Chinese nationals matapos silang sitahin sa checkpoint sa Pamplona, Cagayan.
Damay din sa kaso ang dalawang Pilipino na kasama ng mga ito.
Sinabi ni SMSGT Tomas Baggay ng PNP-Pamplona, nakasakay umano ang mga ito sa kotse nang sitahin dahil hindi sila tumupad sa social distancing.
Dahilan aniya ng mga ito na papunta sila sa communication installation ng isang private company para tapusin umano ang kanilang proyekto doon.
Samantala, huli rin ang 43 tao na lulan ng dalawang truck sa Solana, Cagayan matapos ding lumabag sa parehong patakaran.
Sinabi ni PCAP Jhun Jhun Balisi, hepe ng PNP Solana, kumpol kumpol ang mga ito sa dalawang truck na papunta sana sa bayan ng Piat para umani ng tubo.