Pormal nang inihain ng Makati police ang kasong murder sa apat na mga Chinese nationals na siyang nasa likod sa brutal na pagpatay sa kababayan nilang babae.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, sinabi nito na ang kasong murder laban sa mga suspek ay inihain na sa Makati City prosecutor’s office.
Sa ngayon mananatili umano sa detention facility ng Makati police ang mga dayuhan.
Agad namang nilinaw ng heneral na hindi maaaring ipa-deport ang mga Chinese dahil dito ito ikukulong sa bansa bunsod na dito rin naisagawa ang krimen.
Aantayin daw muna ng pulisya ang resolusyon ng piskalya kung saan ang pinal na lugar na pagkukulungan sa mga ito.
Una nang kinilala ang mga inaresto na sina Zhang Chuning, 22; Zhang Cha Quan, Zhang Yi Xi at isang Wang Xue.
Kinilala naman ang biktima na si Wang Yalei, 26, kung saan nadiskubre ang mga tsinap-chop na katawan nitong nakalipas na Huwebes ng hapon dakong alas-5:45.
Sa inisyal na imbestigasyon, nag-inuman umano ang mga suspek at biktima hanggang sa sila ay nagkaroon nang pagtatalo.
Hinihinalang may kinalaman sa “love triangle” ang pinag-awayan na isa pang babae na nandoon umano sa China.
Kuwento ni Gen. Eleazar, tinangka umanong saksakin ni Wang si Chuning pero nagawa itong maagaw ng huli hanggang sa mapatay ang biktima.
Lumabas din sa inisyal na imbestigasyon ng Makati police na ang security guard ng establisyemento ay inabisuhan ng kanilang housekeeping matapos magtaka sa nylon bag na itinapon sa material recovery facilities na may mga duguang damit, tissues at kitchen knife.
Dito na nagsagawa nang pag-review ang mga security guard sa mga kuha sa CCTV.
Doon natukoy sa CCTV na kitang kita ang mga suspeks na nagmula sa Room 1116 na siyang may hawak sa itinapong nylon bag.
Agad namang nagpadala ng ilang security personnel sa naturang room upang i-check kung saan doon na nakita ang apat na mga Chinese sa loob ng unit.
Sa kanilang paghalughog pa sa lugar, nakita rin ang duguan na luggage sa toilet na pinagtaguan sa iba pang parte ng katawan ng biktima.
Dito na tumawag ng responde ang mga security personnel sa Makati police.