TUGUEGARAO CITY – Ligtas mula sa corona virus disease (COVID-19) ang mga Chinese nationals na lulan ng apat na Chinese vessels na dumaong sa port of Aparri, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Gov. Manuel Mamba na agad niyang pinatakbo para sa imbestigasyon ang binuong Inter-Agency Task Force para matiyak na hindi carrier ng sakit ang mga dayuhang sakay.
Ayon kay Mamba, kinumpirma ng team na limang buwan ng namamalagi sa Zambales at wala naman umanong bagong galing sa bansang China mula rito.
Dumaan naman daw sa kaukulang pagsusuri ng Philippine Coast Guard, Maritime Police, Bureau of Customs at Appari Health Officer Dr. Rowena Guzman-Manantan ang parehong Pinoy at Chinese crew members.
Kaugnay nito, inatasan ng gobernador ang team na gumawa ng opisyal na report, gayundi na suriin kung ang mga barko ay mayroong pahintulot na dumaong sa Cagayan.
Batay sa report, galing ang dredging” vessels o panghukay na Silk Road (Xiang Yueng Huo) 12, 13, 14 at 16 ay nagmula sa Port of Sta. Cruz, Zambales.
Nakarehistro umano ang mga ito sa isang Riverfront Construction Incorporated na may business address sa Unit 101 Diamond Tower, 81 Mariveles St. Mandaluyong City at nakapangalan kay Feng Li bilang President/CEO.
Matatandaan na kabilang ang Riverfront sa mga nabanggit sa isinagawang board of inquiry ng provincial board sa umano’y isinasagawang black sand mining na nakatago umano sa dredging operations para mapalalim ang bukana ng Cagayan river nitong nakalipas na taon.