KORONADAL CITY- Nasa ligtas na kalagayan ang 4 na mga construction workers matapos ang nangyaring pagguho ng isang tulay sa Koronadal City, sa probinsya ng South Cotabato.
Sa ipinaabot na impormasyon ng BFP Koronadal sa Bombo Radyo, 4 katao ang nailigtas matapos matabunan ng gumuhong lupa galing sa ginagawang kontruksyon ng Riprap sa gilid ng tulay Prk Masipag, Brgy Sta Cruz sa nasabing lungsod.
Ayon sa mga otoridad, ginagawa ang nasabing riprap upang mapigilan sana ang pagguho ng tulay kasunod ng naitalang magnitude 6.3 na lindol.
Kasabay nito, agad namang rumesponde ang Phil Red Cross South Cotabato Chapter at BRP Koronadal dahilan upang maisalba ang mga nasabing biktima.
Sa ngayon, inabisuhan rin ng mga otoridad ang publiko na iwasan muna ang pagbalik sa mga istruktura na may mga naitalang bitak matapos ang nangyaring malakas na lindol upang maiwasan ang kaparehong insidente.