Nasa apat na COVID-19 vaccine makers ang nagpasa ng aplikasyon para sa authorization use ng booster shots sa Pilipinas.
Ayon kay FDA chief Eric Domingo, kabilang sa nag-apply para sa amendments para sa emergency use authorization (EUA) ng mga bakunang Pfizer, Astrazeneca, Sinovac at Sputnik V.
Inaaral na sa ngayon ng mga eksperto ang scientific data na available na ipinadala ng mga vaccine firm at kasalukuyang inaantay pa ang pinal na rekomendasyon ng WHO sa booster shots na inaasahang ilalabas sa susunod na dalawang linggo.
Ani Domingo, kailangan na ang mga datos ay nagpapakita na ligtas ang mga bakuna gayundin ang efficacy nito kung sakaling papayagan ang pagbabakuna ng karagdagang third dose.
Nilinaw naman ni Domingo na hindi lahat kailangan ng third dose kundi ang mga selected na populasyon lamang na nangangailangan ng karagdagang dose ang tuturukan gaya ng elderly o senior citizen, immunocompromised at mga health care workers.
Samantala, inanusiyo naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na target ng gobyerno na simulan ang pagtuturok ng boster at third dose ng vaccines sa priority groups sa Nobyembre 15.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang panghihikayat sa mga LGUs na iprayoridad ang mga hindi pa rin nababakunahan kontra COVID-19.