-- Advertisements --

altre1

Sumuko ang apat na miyembro ng Daulah Islamiya terrorists sa operating units ng 82nd Infantry Battalion kahapon sa Agus 2, Brgy Pawak, Saguiaran, Lanao del Sur.

Kinilala ni 82nd IB Commanding Officer Ltc. Rafman Altre ang mga sumukong Daulah Islamiyah-Maute Group na sina Calandada Pungima Lumondot alias “Tarapas”, 55, residente ng Brgy. Mamaanun; Jamal Mamadra Radiab alias “Jamal”, 30, residente ng Brgy. Gacap; Muhaimen Mamualas Abdul Carim alias “Opaw”, 30-anyos, residente ng Brgy Gacap; at Imam Sultan Moctar alias “Mocta”, 22, residente ng Brgy. Gacap lahat ay sa bayan ng Piagapo sa Lanao del Sur.

Isinuko rin ng apat na terorista ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang rocket-propelled grenade, 1- M79 grenade launcher, 1 KG9 at isang cal .45 pistol.

Ayon kay Lt/Col. Altre, batay sa isinagawa nilang beripikasyon, kumpirmado na si alias Tarapas ay kabilang sa mga nakasagupa ng militar sa Piagapo noong 2017 maging sina alias Jamal, Opaw at Mocta.

Nasa watchlist din ng militar si Tarapas pero nag-lie-low daw matapos nakilahok sa Marawi Siege at nagawang makatakas sa main battle area.

Nagdesisyong sumuko ang apat na local terrorists matapos daw mapatay sa military encounter ang kanilang recruiter na si Imam Dimacaling.

Ibinunyag din ng apat na surrenderees na takot din sila mamatay dahil sa pinalakas na opensiba ng militar laban sa teroristang grupo, batay na rin sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Naenganyo rin daw ang apat sa mga programa ng gobyerno para doon sa mga bandidong magbalik loob sa pamahalaan.

Kanila ring napagtanto na mali ang kanilang ipinaglalaban at taliwas sa turo ng Islam.

Pinuri ni Altre ang naging desisyon ng apat na mga surrenderee at maging ang mga local officials traditional leaders ng Piagapo na siyang nag facilitate para sumuko ang apat na mga dating terorista.

“They decided to go on lie-low status in 2018 following the death of Dimacaling and the siege,” wika pa ni Lt/Col. Altre.

Nanawagan naman si 103rd brigade commander B/Gen. Jose Maria Cuerpo sa mga natitirang miyembro ng Daesh-inspired group para sumuko na lamang ng sa gayon matigil na ang paglaganap ng violent extremism sa kanilang lugar.

Binigyang-diin ni Cuerpo na may programa ang pamahalaan para sa mga former violent extremists (FVEs) na pinili na magbagong buhay kaya sumuko sa otoridad.