-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakatakdang dagdagan ang deployment ng PNP (Philippine National Police) at AFP (Armed Forces of the Philippines) sa pitong areas sa Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos) na kabilang sa isinailalim sa “red category.”

Ito ang inihayag ni Commission on Elections (COMELEC)12 Regional Director Atty. Renato Magbutay sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kaugnay sa darating na May 9 National and Local elections.

Ayon kay Magbutay, ang mga lugar na ito ay kinabibilangan ng mga bayan ng Mautum at Maasim sa Saranggani province, bayan ng Banga sa South Cotabato, municipality of Pikit sa North Cotabato, at mga bayan ng Palimbang, Columbio at President Quirino sa probinsiya ng Sultan Kudarat.

Inilagay sa areas of immediate concern ang nabanggit na mga lugar dahil sa mga naitalang election related incident at tensyon o mainit na away sa pagitan ng mga magkaribal na kandidato.

Kabilang din sa mga ikinonsidera ang presensiya ng mga private armed groups, communist terrorist group at iba pang mga armadong grupo.

Gayunman, hindi isasailalim sa COMELEC control ang nabanggit na mga lugar bagkus ay hihigpitan ang seguridad at tututukan ang mga polling places sa pinangangambahang pananabotahe sa araw ng eleksyon.

Samantala, sa South Cotabato ay ipinasiguro ni Police Col. Nathaniel Villegas na nakaantabay na ang kapulisan kasama ang AFP sa bayan ng Banga na kabilang sa red category at ganoon din sa apat na barangay sa bayan ng Polomolok na inilagay naman sa orange category.