-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Handa na ang mga guro na magsisilbing miyembro ng electoral boards para sa May 13 midterm elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Alliance of Concerned Teachers Negros Occidental Chairman Gualberto Dajao, sinabi nitong nagpapatuloy ang orientation sa mga kapwa niya guro tungkol sa sistema ng reporting na gagamitin sa Lunes.

Ito ay upang ma-familiarize ng mga guro ang online reporting system ng Department of Education (DepEd) tungkol sa mga problema na mahaharap ng mga miyembro ng electoral board sa araw ng halalan upang madali itong masolusyunan.

Ilan dito ang aberya sa vote counting machine o reklamo ng mga botante.

Nabatid na ang DepEd ay nag-activate ng Election Task Force bilang preparasyon sa halalan.

Ang chairperson ng electoral board ay tatanggap ng P6,000 na honoraria at P1,000 travel allowance; habang ang miyembro naman ng electoral board ay tatanggap ng P5,000 na honoraria at P1,000 travel allowance.

Apela ni Dajao, huwag na sanang idamay ang mga guro sa isyu sa politika dahil ginagawa lang naman nila ang crucial na papel sa araw ng halalan.