Pinatutsadahan ng apat na Democratic congresswomen si US President Donald Trump matapos nitong atakihin ng mga racist na pahayag ang mga ito.
Naniniwala sina US Representatives Alexandria Ocasio-Cortez, Ilhan Omar, Ayana Pressley at Rashida Tlaib na nais lamang ni Trump na ilayo ang atensyon ng masa sa tunay na problema ng United States.
Nanindigan din ang apat na kababaihan na hindi umano sila mananahimik at magpapadala sa pananakot na ginagawa ng American president laban sa kanila.
Ayon pa sa mga ito, mas mabuting mag focus na lamang daw ang U.S government sa ginagawang maling pagtrato sa mga illegal immigrants na kasalukuyang nakakulong sa U.S-Mexico border, pati na rin ang usapin patungkol sa healthcare at edukasyon ng naturang bansa.
Sa kabila ng kabi-kabilang pagkondena, hindi naman naniniwala si Trump na naging racist ang mga pahayag nito. Aniya, kung hindi raw nagustuhan ng apat ang kaniyang pahayag ay maari na silang umalis ng Estados Unidos.
Samantala, inanunsyo ni US House Speaker Nancy Pelosi na magsasagawa ng botohan ang House of Representatives upang magkaroon ng resolusyon na magkokondena sa racist comments ni Trump.
Hindi naman nagbigay ng komento patungkol dito ang mga Republicans ngunit ang ilan sa kanila ay inamin na sumobra na nga ang presidente sa kaniyang mga naging pahayag.