-- Advertisements --

(Update) LEGAZPI CITY – Matagumpay na nailigtas ang anim na katao mula sa lumubog na dalawang motorized banca sa karagatang sakop ng Barangay Poblacion sa Rapu-Rapu, Albay.

Nabatid na isa sa mga pasahero ang tumawag sa Legazpi City-Philippine National Police (PNP) upang humingi ng tulong, na ipinaabot naman sa Rapu-Rapu PNP, hanggang sa makarating sa Philippine Coast Guard.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Cpt. Wenifredo Padilla, hepe ng Rapu-Rapu PNP, biyaheng Barangay Morocborocan ang nasabing mga motorized banca mula sa Barangay Poblacion.

Lulan nito ang apat na estudyante at dalawang iba pa, subalit nasa kalagitnaan na ng dagat nang magkaaberya ang kanilang sinasakyan.

Isa sa mga banca ang naabutang nakalubog na ang kalahating bahagi sa dagat lalo na’t may kalayuan ang lugar na pinagmulan ng mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon pa sa hepe, tinu-tow naang mga ito ng dalawa pang bangka nang maabutan.

Aminado naman ang hepe na may nakabanderang gale warning sa bahagi ng Albay kahapon kaya dapat sana ay hindi pinayagang pumalaot ang mga ito.