Kinumpirma ni AFP chief of staff General Eduardo Año na kabilang ang apat na dayuhang terorista sa 37 bandido na napatay ng militar sa inilunsad na operasyon sa Lanao del Sur.
Ayon kay Año, nasabing bilang tatlo ang Indonesians at isa ang Malaysian na hinihinalang miyembro ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist group.
Inihayag ng AFP chief of staff na 14 sa 37 na napatay ang tukoy na ang pagkakakilanlan kung saan kabilang sa mga nasawi rin ay ang lider ng Maute terror group na si Imam Bantayao o Bayabao na dating lider ng MILF sa ilalim ng pamumuno ni Commander Bravo.
Nasa 23 pang iba ang patuloy na tinutukoy ng militar.
Pahayag pa ni Gen. Año, patuloy ang follow up at mopping up operations matapos lusubin ng pinagsanib na pwersa ng Army, Navy at Air Force ang balwarte ng Maute terror group sa Piagapo noong April 22.
Sinabi nito na hanggang sa ngayon wala pang proof of life na patay na si ASG leader Isnilon Hapilon.
Aniya, may mga hakbang na rin silang ginagawa para matunton ang kinarorooan ng ASG leader na nauna ng naiulat na nasugatan.
Paliwanag pa ni Año, layon ng kanilang inilunsad na operasyon ay para maibsan ang kakayahan ng Maute terror group.
Kwento pa ng heneral, matagal nang namo-monitor ng militar ang presensiya ng mga Indonesians at Malaysians sa Lanao na mga miyembro ng JI na nagpahayag ng alyansa sa ISIS at bumuo ng bagong grupo na tinawag nilang Maute.
Sa monitoring ng militar nasa 130 ang pwersa ng mga foreign terrorists na namo-monitor sa Mindanao.