Sumugod sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang apat na kandidato ng pagka-gobernador at ilang kandidato sa pagka-alkalde sa Lanao del Sur upang hilingin na ipawalang-bisa ang resulta ng halalan noong Mayo 13, 2019.
Kasama ang kanilang mga tagasuporta, hiniling nina Hatta Dimaporo, Agakhan Benladen Sarief, Sultan Bob Datimbang at Atty Gene Mamodiong na dating Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general na ideklara ang failure of election sa Lanao del Sur.
Panawagan nila sa Comelec na imbestigahan at kasuhan ang mga may kagagawan sa pandaraya na nagresulta sa kuwestiyonableng proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
Tinatayang dalawang milyong katao na naninirahan sa Lanao del Sur ang napagkaitan ng kanilang karapatan sa mga ibinotong kandidato na dapat ay nanalo.
Panawagan nila sa Comelec, umaksiyon sa lalong madaling panahon at ideklara ang petsa ng special election upang maipuwesto ang tunay na panalong kandidato
Malala anila ang vote buying, pre shading ng mga balota, terorismo at karahasan upang masira ang resulta ng eleksiyon.
Nanawagan na rin sila sa Pangulong Rodrigo Duterte na makialam sa umano’y malalang iregularidad sa halalan.