CENTRAL MINDANAO-Sa opisyal na pagsimula ng serbisyo sa gobyerno,apat na ambulansyang nagkakahalaga ng P2,070,000.00 bawat isa ang itinurnover ng pamahalaang panlalawigan sa tatlong pampublikong ospital sa probinsya ng Cotabato.
Mismong si Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang nanguna sa nasabing turnover ceremony na ginawa sa provincial capitol covered court kasama ang mga chiefs of hospital, department heads at iba pang mga opisyales ng probinsiya.
Mapalad na napiling bigyan ang Cotabato Provincial Hospital (CPH) sa Amas, Kidapawan City ng dalawang (2) patient transport vehicles, habang tig-isang unit naman ang ibinigay para sa Dr. Amado B. Diaz Provincial Foundation Hospital (DABDPFH) sa bayan ng Midsayap at Mlang District Hospital (MDH) sa bayan ng Mlang.
Sa mensahe ni Governor Mendoza, ang nasabing mga ambulansiya ay gagamitin bilang emergency transport vehicles ng mga benepisyaryong ospital dahil sa “high-end” feature nito kung saan bawat unit ay may ventilation and airway equipment (with suction apparatus and accesories and nebulizer with kit), Monitoring and/or Defibrillation Equipment at Immobilization Devices (rigid cervical collars) na nangangahulugang handa itong mag-accommodate ng mga pasyenteng nasa malubhang kalagayan o nangangailangan ng advance medical care habang binabyahe.
Batay sa impormasyon mula kay Acting Provincial Planning and Development Coordinator (OPPDC) Jonah J. Balanag ang nasabing proyekto ay panukala pa noong huling termino ni Gov. Mendoza bilang gobernador na hindi agad naimplementa dahil sa pandemya at kawalan ng available unit base sa aprubadong deskripsyon nito.
Ito ay pinondohan mula sa royalty share ng pamahalaang panlalawigan sa Mt. Apo Geothermal Project ng Energy Development Corporarion-Department of Energy.
Nagbigay naman ng kanyang paghanga kay Gov. Mendoza si EDC Head of Mt. Apo Facility Romeo I. Kee “for starting the year right” at sa pagpapahalaga ng gobernadora sa usaping pangkalusugan ng mamamayan.
Nagpahayag din ng labis na pasalamat sina Dr. Lilian Roldan ng CPH, Dr. Rosario Isabel Pader ng DABDPFH at Dr. Rowena C. Pascua ng MDH dahil sa pagkonsidera sa kanila ng gobernadora na maging unang recipients ng nasabing mga ambulansiya at si Integrated Provincial Health Officer (IPHO) Eva C. Rabaya dahil sa adbokasiya ng Serbisyong Totoo para sa kalusugan.
Ang OPPDC ang nangasiwa na nabanggit na aktibidad.