-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan na ng mga otoridad kung miyembro ng isang organized crime group ang apat na holdaper na mula sa iba’t ibang probinsiya at naka-engkwentro ng mga pulis sa Ramon, Isabela sa isinagawang man hunt operation matapos holdapin ang sekretarya ng isang construction company sa Tuguegarao City.

Napatay sa shootout si Police Staff Sgt. Richard Gumarang ng Ramon Police Station at ang holdaper na si Cristobal Cristobal na taga-Alaminos City, Pangasinan.

Naaresto ang dalawa pang suspek na sina Jayson Saringan, 29 at Edmar de Castro, 32 habang nakatakas ang isa pa nilang kasama na nasugatan din.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Capt. Abdel Aziz, Maximo, hepe ng Ramon Police Station, sinabi niya na dead end na ang napuntahan ng mga holdaper sa San Miguel Ramon, Isabela kaya tumakbo sila sa palayan.

Unang nagpaputok ang mga holdaper at tinamaan ng bala sa kanyang kili-kili si Gumarang matapos silang paputukan ng mga holdaper

Sa pagganti ng putok ng mga pulis ay napatay ang isa sa mga suspek.

Hanggang ngayon ay tinutugis ng mga pulis ang nakatakas na suspek.

Ayon kay Maximo, mula sa Pampanga, San Juan, Ilocos Sur at Alaminos, Pangasinan ang apat na holdaper.

Ang mga naarestong holdaper ay ihaharap ng pamunuan ng Police Regional Office Region 2 (PRO-2) sa isasagawang press conference ngayong araw.

Ayon pa kay Maximo, matapos makatanggap ng flash alarm ang Ramon Police Station kaugnay ng naganap na panghoholdap ng mga sakay ng pulang Toyota Innova na may plakang YOU 778 at patungo sa Isabela ay agad silang naglatag ng checkpoint sa Turod Bugallion Norte, Ramon, Isabela.

Namataan ng mga kasapi ng Ramon Police Station ang get away vehicle ng mga suspek ngunit sa halip na tumigil sa checkpoint ay mabilis na pinatakbo ang kanilang sasakyan.

Matapos ang sagupaan ay nakuha sa loob ng sasakyan ng mga suspek ang isang M16 Armalite rifle na may serial number na 973985.

Magugunitang kahapon ng tanghali ay hinoldap ng mga suspek si Lorena Carag, 41-anyos secretary ng RPF construction at residente ng Centro Solana, Cagayan sa parking area ng St. Peter Metropolitan Cathedral, Tuguegarao City.

Tinangay umano ng mga suspek ang kanyang bag na naglalaman ng umaabot sa P10,000, cellphone, ATM at identification card.